PPA TULOY-TULOY ANG SERBISYO PARA SA MGA BIYAHERO SA PAGTATAPOS NG HOLY WEEK

31 MARSO 2024, MAYNILA — Nagpapatuloy sa paghahatid ng serbisyo ang iba’t ibang Port Management Offices (PMOs) ng Philippine Port Authority (PPA) para sa mga magbabalik na pasahero kaugnay ng pagtatapos ng paggunita ng Semana Santa. Kabilang dito ang paghahanda ng simpleng aktibidad para sa Linggo ng Pagkabuhay.  

Higit pa sa kanilang tungkulin ang hinatid na pag-alalay ng mga PMO ng PPA para sa mga biyahero na nagtungo sa iba’t ibang mga lalawigan sa nakalipas na long weekend kaugnay ng selebrasyon ng Semana Santa. Bukod sa pagtitiyak sa kaayusan sa mga pantalan na direktiba ni PPA General Manager Jay Santiago, may inihanda rin ang mga PMO para sa mga mananakay nitong nakalipas na Holy Week.

Gaya na lamang sa PMO Lanao del Norte na bukod sa mga itlog ay namigay din ng PPA Lugaw para sa mga pasaherong naghihintay ng kanilang biyahe sa pantalan. 

Ang PMO Panay/Guimaras naman na kabilang sa top ports sa bansa pagdating sa dami ng mga pasahero tuwing peak season, ay namigay ng libreng kape at inuming tubig. Ganito rin ang isinagawa ng PMO Negros Occidental para naman sa mga driver at pahinante ng truck na bumabiyahe sa kanilang pantalan. 

May libre namang binignit para sa mga pasahero ng Nasiport Port ang PMO Port Services Division ng PMO Agusan. Habang ang PMO Davao ay namigay ng Easter egg chocolate para sa mga batang pasahero sa pantalan. Namahagi rin ng Easter egg ang PMO- PMO Negros Occidental / Bacolod / Banago / Bredco para sa nasa 250 mga batang pasahero. 

Bukod sa mga aktibidad na ito, nagpakita rin ng katapatan ang mga kawani ng PPA sa pamamagitan ng pagsasauli ng naiwang gamit ng ilang pasahero. Kabilang dito ang bag ng isang pasahero sa Port of Babak na naiwan sa baggage screening area. Nangyari ito nitong Marso 31 ng hapon, maswerte namang may lamang identification card ang bag kaya madaling na-contact ang 40-taong gulang na babaeng may-ari nito.  

 

Serbisyong tapat para sa mga pasahero

 

Naibalik din ang nawala namang smartphone ng isang engineering student mula sa Mindanao State University (MSU) sa Ozamiz Port nitong ika-28 ng Marso. Sa tulong ng CCTV na sinuri ng Port Police, natukoy kung saan naiwan ng pasahero ang kanyang cellphone na itinabi ng shipping agency personnel bago tuluyang naibalik sa estudyanteng pasahero.  

Isang senior citizen naman ang natulungan sa Port of San Carlos makaraang makaramdam ang 73-anyos na lolo ng pagkahilo. Inalalayan siya ng mga PPA personnel at binigyan ng pagkain. Siniguro rin na maayos na ang kanyang kondisyon bago ituloy ang kanyang biyahe. 

Samantala, ilang hindi kanais-nais na insidente ang naitala gaya na lamang ng pagkahuli sa 23-anyos na babae na nagbiro tungkol sa bomba habang nasa Passenger Terminal Building (PTB) ng Port of Puerto Galera. Patungo sana ang babae sa Batangas Port noong Marso 27 ngunit nagbiro ito na may bombang laman ang kanyang bagay habang nakapila ito sa x-ray baggage machine. Dinala ang babae sa pulisya at sinampahan ng reklamong paglabag sa Presidential Decree No. 1727 o ang Anti-Bomb Joke Law. 

Natulungan naman ng mga tauhan ng PPA sa Surigao City ang isang 11-anyos na lalaki para makabalik sa kanyang mga magulang. Natagpuan siya ng mga awtoridad sa Lipata Port noong Marso 18 na mag-isa. Sa pag-iimbestiga, umalis umano sa kanilang tahanan ang bata nang hindi nagpapaalam sa kanyang mga magulang. Sa pakikipagtulungan sa pulisya at Department of Social Welfare and Development ay nakauwi ito nang ligtas sa kanilang tahanan.  

Dahil naman sa pagdagsa ng mga pasahero ngayong peak season, napuno ang PTB ng Balanacan Port sa Marinduque. Nagdulot ito ng mahabang pila ng mga pasahero na sasakay ng barko. Bagama’t tuloy-tuloy ang biyahe ng barko, umabot sa labas ng pantalan ang pila ng mga biyahero. Para matulungan ang publiko, naka-deploy ang lahat ng mga kawani ng PPA sa nasabing pantalan at naglagay ng mga karagdagang tent para mayroong masilungan ang mga pasahero. Tumulong din ang lokal na pamahalaan para sa pag-alalay sa mga biyahero.  

###