PPA PRAYORIDAD ANG MGA DISASTER-RELIEF CARGO VEHICLES PARA SA MGA NASALANTA NG PAGBAHA AT LANDSLIDE SA DAVAO REGION

7 PEBRERO 2024, MAYNILA — Kaisa ang Philippine Ports Authority (PPA) sa mga ahensya ng pamahalaan na nagbigay ng tulong sa mga kababayan nating nangangailangan sa gitna ng naranasang matinding pagbaha at landslide na dala ng Low Pressure Area (LPA) sa Davao region kung saan nakapagtala ng mga nasawi at pagkawasak ng mga ari-arian.

Tuwing may sama ng panahon, prayoridad na ng mga pantalan na nasa ilalim ng PPA ang mga disaster-relief cargoes na lulan ng mga sea vessels at motor vehicles, at iba pang operasyon na nagbibigay ng mabilis  na ayuda sa mga apektadong lugar, sa pamamagitan ng paglalagay ng mga designated area para rito.

Sa Port Management Office (PMO) ng Davao kung saan naranasan ang mga pagbaha at landslide, umalalay ang PPA personnel sa pagdaong ng MRRV 4406 (BRP Suluan) ng Philippine Coast Guard nitong Pebrero 3, 2024 sa Port of Mati. May dala ang nasabing barko ng higit-kumulang na 20,000 packs ng relief goods na nakalaan sa mga komunidad na matinding naapektuhan ng kalamidad. 

 

Pagtulong nang higit sa kanilang tungkulin

 

Nagpakita naman ng malasakit na higit pa sa kanilang tungkulin ang mga Port Police ng PMO Agusan nang magtulong-tulong ang mga kawani nito para matulungan ang mag-asawa mula sa Mainit, Nabunturan, Davao De Oro na kinapos sa kanilang pamasahe.

Kabilang sina Carolyn Sisgado at Roel Villasco sa mga residente ng Davao De Oro na nasalanta ng baha at landslide. Tatlong araw silang nanatili sa evacuation center bago magdesisyon na bumiyahe papuntang Tagbilaran City, Bohol. 

Dala ang P1,500 na ipinahiram ng kanilang pastor, nagtungo ang mag-asawa sa pantalan ng Nasipit ngunit hindi sapat ang kanilang pera para makabili ng ticket patungong Bohol. Ibinahagi ito ng mag-asawa sa panayam sa kanila ng mga kawani ng PMO Agusan sa Malasakit Help Desk.

Sa pangunguna ng PMO Agusan Port Police Station Commander, nag-ambag ang iba pang Port Police Officers ng PMO upang makabili ng ticket ang mag-asawa papuntang Bohol. Nabigyan din sila ng pagkain at inabutan ng kaunting pera na magagamit nila sa kanilang biyahe. Lulan ng MV Filipinas Agusan Del Norte nakaalis ang mag-asawa nitong Pebrero 5, 2024. 

 

Maagang paghahanda ng iba’t ibang PMO

 

Hindi man apektado ng masamang panahon ang PMO Surigao, nakahanda ito na magbigay ng tulong sa PMO Davao sakaling kailanganin sa relief operations. Ang PMO Misamis Oriental/Cagayan De Oro naman ay maagap na lumikha ng PMO Task Force for Inclement Weather Conditions na nakaantabay para sa deployment. Kabilang sa kanilang responsibilidad ang pagsasagawa ng komprehensibong risk assessment at pagpapatupad ng aprubadong contingency plan.

Nakaantabay na rin ang Malasakit Help Desk para masigurong nakahanda ang mga personnel na magbibigay ng tulong sa mga pasahero. Siniguro rin na mayroong nakahandang first aid kits sakaling kailanganin sa oras ng emergency. Mayroon ding mga tarpaulin na naglalaman ng mahahalagang impormasyon sa mga pasahero na nasa loob ng mga pantalan.

 

Pagtugon sa climate change

 

Bukod sa agarang pag-aksyon sa mga pangangailangan sa gitna ng kalamidad, naglatag din ang PPA sa ilalim ng pamumuno ni PPA General Manager Jay Santiago ng mga programa na mangangalaga sa kalikasan at tutugon sa mga hamon na dala ng climate change.

Noong nakaraang taon, mahigit 8,000 na puno ang naitanim ng mga empleyado ng PPA sa iba’t ibang mga pantalan sa buong bansa nang ilunsad ang “Lingap at Alagang Bayanihan (LAB) for all” kasabay ng kaarawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Setyembre 13, 2023.

Mayroong ding inilabas na mandato ang PPA sa mga aplikante at kontraktor na magtanim ng di bababa sa 1,000 na puno o mangrove sa pakikipagtulungan sa Community Environment and Natural Resources Offices ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang maiwasan ang matinding epekto ng climate change.

###