PPA PORT MANAGEMENT OFFICES NATIONWIDE, KASADO NA PARA SA NALALAPIT NA HOLY WEEK

16 MARSO 2024, MAYNILA — Maagang nagsagawa ng paghahanda ang mga Port Management Offices (PMOs) ng Philippine Ports Authority (PPA) sa iba’t ibang bahagi ng bansa para sa inasaahang pagdagsa ng mga pasahero sa darating na Semana Santa.

Bukod sa mahigpit na pagpapatupad ng pinag-igting na seguridad sa mga pantalan at paglalagay ng mga Help Desk na nakahandang tumulong sa pangangailangan ng mga sasakay at bababang pasahero sa mga barko, nagkaroon rin ng kanya-kanyang preparaasyon ang bawat PMO upang masiguro ang ligtas at maayos na biyahe ng publiko. 

Sa PMO NCR North kung saan mayroong tinatayang higit 25,000 na mga pasahero ang dumadagsa tuwing Holy Week season, kada byahe ang sanitation sa passenger terminal building, mayroon ring inihandang libreng film showing para maaliw ang mga naghihintay na mga pasahero.  

Puspusan rin ang paghahanda ng PMO Negros Oriental/Siquijor kung saan nagdagdag na ito ng mga upuan sa mga Passenger Terminal Building (PTB) ng Port of Dumaguete at Port of Guihulngan kasabay ng paglalagay ng mga directional signages upang mapadali ang paggalaw ng mga pasahero. 

Sa PMO Masbate, nakahanda na rin ang dagdag na tent para sa mga biyahero kung sakali mang kailanganin ng mga pasahero. Nagsagawa na ring repainting sa operational area gaya ng pedestrian lane upang masiguro ang kaligtasan ng publiko. 

Ang PMO Surigao naman, naglagay na ng mga fast lanes para sa mga pasahero na maliliit na bag lamang ang dala, gayundin para sa mga senior citizen, persons with disability, buntis, at may dalang bata. 

Sa PMO Zamboanga, naka stand-by na ang ambulansya at K-9 unit mula sa Philippine Coast Guard (PCG) para sa mahigpit na pagpapatupad ng seguridad. 

Ang Port of Lucena naman na may mga pasahero na babiyahe patungo sa Marinduque, Romblon, at Masbate, naka-antabay na rin ang mga tent sakaling may makanselang byahe. 

Sa PMO Misamis Oriental/Cagayan de Oro at PMO Negros Occidental Bacolod/Banago/Bredco, nagkaroon ng paglilinis sa mga kalapit na kalsada patungo sa pantalan para mapanatiling maluwag ang mga daaan patungong pantalan.

Batay sa datos noong 2023, naging pinakamataong port ang mga pantalan sa PMO Panay/Guimaras – Iloilo, Batangas, Panay/Guimaras – Jordan, Mindoro, at Panay Guimaras-Dumangas. 

Tuloy din ang pagpapatupad ng sistema para mapabilis ang daloy ng trapiko patungo sa pantalan partikular ang ‘Blue Lane and One Stop Shop’ sa Port of Matnog na malaki ang naitulong sa pagsasaayos ng pila ng mga sasakyan habang nasa highway. 

Layunin ng  nasabing sistema ang masolusyunan ang problema ng fixing’ na nangyayari dahil sa singitan sa pila. Sa pamamagitan ng mga provincial marshal at iba pang awtoridad ay naiiwasan ang paglipana ng mga nananamantala habang ang mga pasahero at sasakyan ay nakapila sa Blue Lane.