PPA-PMO MINDORO NAGBIGAY NG TULONG MEDIKAL SA MGA PASAHERO NG MV OCEANJET 6 NA NASANGKOT SA BANGGAAN NG SASAKYANG PANDAGAT

1 PEBRERO 2024, MAYNILA — Nagbigay ng tulong medikal ang Philippine Ports Authority (PPA) Port Management office of Mindoro sa mga crew at pasaherong sakay ng MV OceanJet 6 na nasangkot sa banggaan sa isa pang sasakyang pandagat nitong Miyerkoles, Enero, 31, 2024. 

Tatlong ambulansya ang naipadala ng PMO Mindoro sa Port of Calapan para salubungin ang mga sakay ng MV OceanJet 6 (105 pasahero at 19 na crew). Kasama ng mga Port Police ang mga rescuer na umalalay sa mga pasahero upang masuri ang kanilang kalagayan matapos masangkot sa nasabing insidente.  

Naganap ang insidente dakong alas-12:20 ng tanghali sa Matoco Point sa Batangas City kung saan nagkabanggaan ang MV Ocean Jet 6 at water taxi ng Hap & Go 1 na may sakay na 5 pasahero at 4 na crew. Galing sa Batangas Port ang MV Ocean Jet 6 at patungo sa Calapan, habang galing naman sa Sabang, Puerto Galera ang Hap & Go 1 at patungo sa Batangas. 

Na-monitor ng Vessel Traffic Management System (VTMS) ng Port Management Office ng Batangas ang nasabing insidente na dahilan upang agad na maipagbigay-alam ang insidente sa Philippine Coast Guard (PCG) at iba pang malapit na sasakyang pandagat upang magsagawa  ng rescue operation.  

Wala namang malubhang nasaktan sa mga sakay ng MV OceanJet 6 maliban sa isang crew na dinala sa ospital makaraang makaranas ng ng nervous breakdown kasunod ng insidente. 

Ayon sa PCG, iniimbestigahan na ang nasabing insidente na ikinasawi ng kapitan at isang crew ng Hop & Go 1. Sa panig naman ng MARINA, sinuspende na ang operasyon ng OcenJet 6 at Hap & Go 1 para rin sa imbestigasyon. 

Ayon pa sa MARINA, sasailalim sa safety inspections ang dalawang barko para matiyak ang kanilang seaworthiness o kung ligtas itong maglayag. 

Tinitiyak ng PPA ang maayos at mabilis na pakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng pamahalaan para sa seguridad at kaligtasan ng publiko. 

###