PPA PINAYUHAN ANG MGA PASAHERO NA GUMAMIT NG IBANG RUTA KASUNOD NG NAANTALANG BYAHE DAHIL SA SAMA NG PANAHON

15 ENERO 2024, MANILA — Bunsod ng sama ng panahon dala ng hanging amihan, nabawasan ang biyahe ng mga barko sa rutang Matnog, Sorsogon – Allen, Northern Samar mula noong Linggo hanggang nitong Martes (Enero 14 hanggang 16, 2024).

Ang 13 Roll-on Roll-off (RoRo) vessel sa nasabing ruta ay nakapagtala lamang ng 25 biyahe kada araw mula sa normal na 30 na biyahe kung walang sama ng panahon. Nagdulot ito ng pagsisikip sa pantalan at pila ng mga sasakyan na umabot sa nasa 180 unit ng truck.

Para makaiwas sa abala, pinapayuhan ng PPA ang mga biyahero na gamitin ang ibang ruta gaya ng: Pio Duran, Albay - Masbate City; Pilar, Sorsogon - Masbate City; Pilar, Sorsogon - Mobo Port, Masbate; Masbate City – Cebu; Mobo Port, Masbate – Cebu; Mintac Port, Cataingan, Masbate - Pulambato Port, Bogo, Cebu; Mintac Port, Cataingan, Masbate – Cebu.

Samantala, kanselado naman ang mga pampasaherong barko na may 250 GRT pababa sa Bicol na may rutang Baseport Legazpi patungong Rapu-Rapu, Albay (vice-versa) ngayong araw dahil sa Gale Warning Advisory ng PAGASA.

Suspendido rin ang biyahe ng pampasaherong Supercat St Sariel/ St Sealthiel/ St Braquiel na may rutang mula Ormoc patungong Cebu ngayong araw, dulot ng malalakas na alon.

Sa Davao naman, nagpatupad ng work-from-home arraignement ang lokal na pamahalaan kasunod ng General Flood Advisory ng PAGASA, gayunman magpapatuloy ang serbisyo ng mga frontline personnel upang hindi maantala ang serbisyo sa publiko. Wala namang inanunsyo ng pagkansela ng biyahe.

Muling pinapaalalahan ng PPA ang mga biyahero na makipag-ugnayan sa kanilang mga shipping line para sa karagdagang detalye ng kanilang biyahe.

###