PPA PINAGPAPALIWANAG ANG ASIAN TERMINALS AT BEN LINE INC. SA TINAGURIANG ‘CRUISE CHAOS’ 

15 DISYEMBRE 2023, MAYNILA — Dismayado ang Philippine Ports Authority (PPA) sa Asian Terminals Inc. (ATI) at Ben Line Agencies kasunod ng kaguluhan na nangyari sa pagdaong ng MV Norwegian Jewel cruise ship sa Port of Manila nitong Nobyembre 30, 2023 na nakaperwisyo sa mga turista at motorista. Nag-viral sa social media ang insidente na binansagang 'Cruise Chaos'.

Binahagi ni G. Nelson Terible ang personal niyang karanasanan sa insidente sa kanyang Facebook post nitong Disyembre 6, 2023.  Agad namang nag-imbestiga ang PPA sa tunay na nangyari pero bago pa ito ay umaksyon na ang ahensya para matulungan ang mga pasahero ng MV Norwegian Jewel sa kabila ng kabiguan ng Ben Line Agencies na masigurong magiging maayos ang biyahe ng mga turistang pasahero. 

Ang cruise operation ay isang joint effort ng cruise vessel na MV Norwegian Jewel, ang ship agent nito na Ben Line Agencies, ang terminal operator na Asian Terminals Inc., third party transport service (TPLI), Bureau of Immigration, Bureau of Customs at ng PPA. 

Bahagi ng opisyal na pahayag ng PPA, “There have been several cruise ships that arrived at the Port of Manila this year and the past years and as many as 3 cruise vessels all docked at the same time but have never experienced this kind of incident. This is an isolated incident.”

Para matugunan ang kawalan ng koordinasyon at hindi tamang aksyon ng ATI at Ben Line sa insidente, agad umaksyon ang PPA sa pamamagitan ng paglalabas ng 1,150 temporary vehicle pass. Bukod dito, nag-deploy din ng Malasakit Help Desk upang magbigay ng tulong sa mga pasahero. 

Bago pa man ang pagdating ng MV Norwegian Jewel ay nakipagpulong na ang PPA sa ATI at Ben Line kasama ang ibang pribadong service providers para matiyak ang seguridad at kaayusan ng mga cruise passengers. Nangako ang dalawang kompanya na magpapatupad ng sapat na traffic management at deployment ng mga porters. Gayunman, walang natupad sa mga pangakong ito at tanging 20 civilian porters lamang ang nag-assist sa 2,353 pasaherong bumababa at 2,505 na sumasakay na pasahero.

“The traffic also worsened that day since embarking passengers arrived 3 hours earlier than expected while the disembarking passengers are still being assisted by the Bureau of Customs and Bureau of Immigration, contrary to the agreement during the pre-arrival meeting,” bahagi ng pahayag ng PPA batay sa naging imbestigasyon sa insidente. 

Pinagpapaliwanag na ng PPA ang ATI at Ben Line hinggil sa mga reklamo ng mga pasahero na naging viral na sa social media. 

Tinitiyak ng PPA na tutuparin nito ang pangako nito sa kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero ng cruise ships sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga hakbang at mahusay na serbisyo para sa mga pasahero. 

###