PPA NAMAHAGI NG LUGAW AT KUTSON SA MGA PASAHERO NA MAAGANG NAGPUNTA SA PANTALAN

28 DISYEMBRE 2023, MAYNILA — Namahagi ng libreng lugaw ang Philippine Ports Authority (PPA) sa humigit kumulang na 120 na mga pasahero na maagang nagpunta sa NCR Northport nitong Disyembre 28, 2023 para sa kanilang biyahe pauwi sa kani-kanilang probinsya. 

Alinsunod ito sa inisyatiba ng PPA na tumulong sa mga pasahero sa pamamagitan ng pamamahagi ng libreng lugaw kapag naantala ang kanilang biyahe dahil sa cancelled trip, isyung teknikal, o dahil sa masamang panahon, bagama’t mandato ng mga shipping lines ang pangangailangan ng kanilang mga pasahero.

Ikinatuwa naman ng ilang pashero sa Manila Northport ang pamamahagi sa kanila ng lugaw bilang pantawid-gutom habang naghihintay ng sasakyan nilang barko. 

“Nagpapasalamat po kami talaga kasi merong nag-sponsor sa amin na pagkain kasi wala talaga kaming pera. Ang layo pa ng biyahe namin,” sabi ni Cho Cho na galing pang Cavite at pauwi sana sa Cebu. Aniya, hindi niya alam na napalitan pala ang biyahe nila mula December 27 ay naging December 29 na ito na dapat ay naabisuhan ng maaga ng shipping line nito. 

Natulungan din ng PPALugaw si Hannah na patungo naman ng Puerto Princesa. Kahit sa December 30 pa ang kanilang biyahe, pinili umano niyang magtungo nang maaga sa pantalan dahil sa traffic at hindi nila kabisado ang lugar. 

“Kaya maaga kasi traffic din, mahirap (ma-late). Hindi rin kami taga-rito sa Maynila, wala rin kaming bahay dito kaya napaaga rin kami. Okay lang kasi may tulugan naman dito,” kwento ng pasaherong si Hannah. 

Ayaw rin na maiwanan ng biyahe ang pasaherong si Naser kaya naman nagpunta rin siya nang maaga sa pantalan. Aniya, “Natakot ako baka hindi ako makasakay sa barko kaya sinunod ko ‘yung schedule nito kaya nagmadali na ako. Malayo ‘yung lugar (na pinanggalingan ko) kaya nagpunta ako nang maaga.” 

Bukod sa PPALugaw, nagkaroon ng film showing sa Northport para maaliw ang mga pasahero na nasa pantalan habang naghihintay ng kanilang scheduled na biyahe. 

Matatandaan na noong Disyembre 18 ay nagkaroon ng mga kanselasyon ng biyahe ang mga shipping lines dahil sa bagyong ‘Kabayan’ at ngayon pa lang nakakahabol sa kanilang mga naantalang schedule. 

“Hinihingi talaga natin sa mga kababayan natin ay magbaon ng mahabang pasensya dahil wala naman may gusto na pagdaanan nila ang hirap ng biyahe,” saad ni PPA General Manager Jay Santiago.  

Pahayag naman ng 2GO, “Stemming from the domino effect of Typhoon Kabayan, our passengers have been duly informed of the adjusted schedule prior to their scheduled voyages through SMS. Food and water for affected passengers will be provided. Advisories will continue to be posted on the 2GO Travel social media page. We remind all passengers to provide their contact numbers at the time of booking to get real time updates on voyages.” 

Sa mga nais umano ng refund o rebooking, sinabi ng 2GO na maaari nila itong gawin sa kahit anong 2GO retail outlet o 2GO ticketing counter na matatagpuan sa pier kung saan may operasyon ang kompanya. 

Sa huling tala alas-singko ng hapon nitong Disyembre 28, nasa 132 ang bilang ng mga pasahero na nasa Manila Nortport at naghihintay ng kanilang masasakyang barko. 

Samantala, para maiwasan na ang may ma-stranded na biyahero sa pantalan, nakipagpulong ang PPA sa kinatawan ng 2GO company at ang Manila North Harbour Port Inc. (MNHPI). 

Sa nasabing pulong nitong Miyerkoles, Disyembre 27, 2023, nilatag ng PPA ang mga napuna na kailangang ayusin sa sistema ng shipping lines para mapaganda ang pagbibigay ng serbisyo sa publiko gaya ng mas maaga at epektibong pagpapakalat ng impormasyon sa kanilang mga pasahero kung may pagkaantala o delay sa kanilang biyahe.  

Kasunod nito, nangako ang 2GO company na magkakaroon ng digital information dissemination sa kanilang mga pasahero gaya ng mga schedule ng biyahe na mababasa sa mga social media platform.

###