PPA NAGBABALA SA MGA PASAHERO NGAYONG HOLY WEEK LABAN SA MGA MAPAGSAMANTALANG NANGONGOLEKTA NG INSURANCE FEE

27 MARSO 2024, MAYNILA — Muling nagpaalala ang Philippine Ports Authority (PPA) sa mga pasahero na hahabol pa sa byahe sa mga pantalan na wag nang tangkilikin pa ang mga nagbebenta ng travel insurance bago ang byahe bilang karagdagang bayarin sa pagsakay ng barko. 

Batay sa PPA Memorandum Circular No. 06-2010 o ‘Prohibition on the Mandatory Sale of Passenger Insurance Coverage’, hindi na dapat singilin ng additional insurance ang mga biyahero sa mga pantalan na nasa ilalim ng pamamahala ng ahensya.  Lahat ng mga pasahero na sasakay ng barko ay sakop na ng insurance policy ng barko, sakaling magkaroon ng hindi inaasahang insidente. Kaya naman, ang koleksyon ng passenger insurance ay nagdadagdag lamang sa gastusin ng publiko kahit na hindi naman ito kailangan.   

Matatandaan na nitong Lunes Santo (Marso 25, 2024) sa kanyang pag-iikot sa Manila North Port Passenger Terminal, personal na nakausap ni PPA General Manager Jay Santiago ang dalawang nabiktima ng ganitong modus, isang ina at kanyang anak ang siningil umano ng P500 ng isang indibidwal na nag-alok sa kanila ng travel insurance. 

Binigyang-diin ng PPA na hindi pinapayagan ang anumang ilegal na transaksyon sa mga pantalan. Hinimok pa ng ahensya ang mga  biyahero na iulat ang ganitong uri ng koleksyon upang hindi na magkaroon ng iba pang mabibiktima. Paalala pa ng ahensya, tanging terminal fees lamang ang kinokolekta mula sa mga biyahero sa mga pantalan. 

###