PPA: MALINIS NA MGA PANTALAN SASALUBONG SA MGA PASAHERO SA KANILANG BIYAHE NGAYONG SEMANA SANTA

21 MARSO 2024, MAYNILA — Kasabay ng inaasahang pagdagsa ng mga biyahero sa Semana Santa, tiniyak ng mga Port Management Offices (PMOs) ng Philippines Ports Authority (PPA)  na maigting na naipatutupad ang mga hakbang upang mapanatili ang kalinisan sa mga pantalan na nasa ilalim ng ahensya.

Tiniyak ni PPA General Manager Jay Santiago na bukod sa seguridad at kaayusan sa pantalan, sasalubong din sa mga biyahero ngayong Semana Santa ang malinis na mga pasilidad. Sa kanyang naging inspeksyon sa Port of Batangas nitong Miyerkules (Marso 20, 2024), kabilang sa mga sinuri ni GM Santiago ang kalinisan ng mga palikuran. 

Sa Passenger Terminal Building (PTB) ng Port of Batangas, isa sa mga pantalan sa bansa kung saan maraming dumadaang pasahero, maya’t maya ang ginagawang paglilinis sa mga palikuran, upuan, at dinadaanan ng mga pasahero. 

Samantala, sinisiguro rin sa Manila North Port ang kalinisan sa pamamagitan ng sinasagawang sanitation ng janitorial services kada 15 minuto sa loob ng terminal. Nagsasagawa rin ang environmental specialist at safety officers ng Monthly Port Sanitation Inspection. Mayroon ding nakalagay na information education campaign sa mga pantalan para sa kaalaman ng mga pasahero sa tamang pag-segregate ng mga basura. Tiniyak din na may sapat na basurahan sa buong pantalan upang maiwasan ang pagkalat ng mga basura. 

Ang PMO Marinduque-Quezon ay nagsasagawa rin ng sanitation sa bawat pag-alis ng mga barko. Kaugnay nito, araw-araw ang inspeksyon na isinasagawa ng Chief Safety Officer upang matiyak ang kalinisan sa pantalan. 

Araw-araw din ang isinasagawang hakbang para mapanatili ang kalinisan sa operational area ng pantalan ng Puerto Princesa. Tuloy- tuloy ang paglilinis sa mga drainage canals at paglalagay ng color-coded trash bins.

Patuloy din ang PMO Socsargen sa paglilinis tuwing umaga at gabi, bago o pagkatapos ng mga operasyon sa mga pantalan mula sa mga palikuran hanggang sa iba pang mga pasilidad sa pantalan.

Regular din ang paglilinis sa operational area ng PMO Masbate. Bawat pag-alis at pagdating ng mga barko ay nagkakaroon ng sanitation at pagkolekta ng mga basura. Mayroon ding hiwalay na mga basurahan sa loob ng terminal. Ang PMO naman ng Misamis Oriental/Cagayan de Oro ay nagsasagawa rin sanitation sa mga terminal, waiting area, at palikuran para matiyak ang kalinisan. 

Pakiusap naman ni GM Santiago sa mga pasahero, “Alagaan din po natin ang ating mga pantalan, huwag po tayong mag-iiwan ng basura dahil ayaw din naman po siguro natin na ‘pag tayo ang dumating ay mayroong nag-iwan ng basura na dadatnan po natin. Para din po ito sa kalinisan ng lahat.” 

Bukod dito, ipinalala din ng opisyal sa publiko na maagang planuhin ang kanilang biyahe, gaya ng maagang pagbili ng ticket. 

###