PPA GM SANTIAGO NAG-INSPEKSYON SA MANILA NORTH PORT, MALINIS AT MAAYOS NA PANTALAN TINIYAK SA MGA PASAHERO

25 MARSO 2024, MAYNILA — Malinis at maayos na pantalan ang inabutan ni Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago sa kanyang pag-iikot sa Manila North Port Passenger Terminal ngayong Lunes Santo (March 25, 2024). Kasama rin sa nag-inspeksyon si Department of Transportation (DOTr) Jaime Bautista at ilang opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG). 

Sa pag-iikot sa pantalan, kinausap ni GM Jay Santiago ang ilang mga pasahero na naghihintay ng kanilang biyahe. Dito, nabatid na may ilan sa kanila ang apektado ng rescheduled trip ng shipping line na 2Go mula sa orihinal nitong biyahe na March 25 ay nalipat ito sa March 29. 

Para matulungan ang mga apektadong pasahero, inatasan ni GM Santiago ang shipping line na mabigyan sila ng agarang refund at tulong sa pagbiyahe sa mga pasaherong pipiliin namang sumakay sa susunod na biyahe ng barko.  

Mayroon ding nakausap si GM Santiago na pasaherong nabiktima ng scam at pinagbayad ng P500 para sa insurance ng anak nito. 

Binigyang-diin ni GM Santiago na hindi dapat magbayad ng karagdagang fee ang mga pasahero ng barko para sa insurance. Aniya, “Wala na pong dapat bayarang travel insurance pa ang lahat ng mananakay sa ating barko dahil po pagkabili nila ng ticket, may kalakip napong common carrier insurance. Insured na po sila ng mga barkong sasakyan nila.”  

Simula nitong Palm Sunday, nakaantabay na ang buong pwersa ng mga security personnel ng PPA sa mga pantalan sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang masiguro ang seguridad at kaligtasan ng mga biyahero. Marso 1 pa lang ay naglabas na ng direktiba si GM Santiago na full manpower para sa Semana Santa 2024. 

Inaasahang nasa 2,077,603 ang bilang ng mga pasahero na dadagsa sa mga pantalan ngayong Semana Santa 2024 mas mataas ito kumpara sa 1.8 milyong katao na dumagsa sa mga pantalan noong 2023. Kaugnay nito, nagbaba ng kautusan si GM Santiago para sa pagpapatupad ng full manning ng mga personnel sa mga port operations at port security na nasa frontline services.

Tiniyak ng PPA na handa na Manila North Port at iba pang mga Port Management Offices (PMOs) para sa malinis at maayos na mga pantalan para sa maginhawang biyahe ng mga pasahero. Maigting na ipinatupad ang mga hakbang upang mapanatili ang kalinisan sa mga pantalan kabilang na ang mga palikuran, na nasa ilalim ng ahensya.

Kabilang sa mga naging paghahanda ay pagsisiguro na walang surot sa mga upuan ng mga pasaherong naghihintay ng kanilang biyahe, walang daga o peste, pagtitiyak na may malinis na mga palikuran, at pagsasagawa ng sanitation sa operation area at PTB ng mga pantalan. Mayroon ding mga sapat na basurahan para maiwasan ang pagkalat ng mga basura sa terminal. 

###