PPA GENERAL MANAGER SANTIAGO IPINAG-UTOS ANG ‘FULL MANPOWER’ SA MGA PANTALAN NGAYONG HOLY WEEK 

18 MARSO 2024, MAYNILA — Humigit kumulang dalawang milyong pasahero (2,077,603) ang inaasahan ngayong Semana Santa sa mga pantalan sa buong bansa base sa datos ng Philippine Ports Authority, mas mataas kumpara sa Semana Santa noong nakaraang taon na 1,860, 037, kaya naman dalawang linggo bago ang Semana Santa,  nagpalabas na ng memorandum si Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago ng pagpapatupad ng ‘Full Manpower’ para sa inaasahang dagsa ng mga pasahero. 

Batay sa direktiba ni GM Santiago, inatasan ang lahat ng mga kaugnay na department head na ipatupad ang full manning ng mga personnel sa mga port operations at port security na nasa frontline services para magbigay ng serbisyo sa libo-libong mga pasahero.  

Lahat din ng mga nai-file na leave ng mga kawani ng ahensya simula Marso 25 hanggang Abril 1 ay hindi pinahintulutan upang masiguro ang kaligtasan, seguridad, at maginhawang biyahe ng publiko. 

Bago ang pagdagsa ng mga pasahero sa Holy Week, binuksan sa publiko ang Passenger Terminal Building 2 ng Port Operations Building ng Dumaguete Port noong unang araw ng Marso 2024. Mayroon itong modernong pasilidad at amenidad na inaasahang magbibigay ng magandang serbisyo sa mga pasahero na naghihintay ng kanilang mga biyahe. 

Pinaplano na rin ang inagurasyon ng extension ng Passenger Terminal Building sa Port of Batangas. Bagama’t binuksan na noong Disyembre ang bahagi nito para mabigyang serbisyo ang mga pasahero noong holiday season, inaasahan na sa pagtatapos ng nasabing proyekto ay marami pang mga pasahero ang magkakaroon ng mas maginhawang biyahe dahil sa lumawak na passenger capacity nito na mula sa 2,500 ay magiging 8,000 na.   

Nagpaalala na rin ang PPA sa publiko na planuhin nang maaga ang kanilang mga biyahe at iwasan ang last minute na bookings na kabilang sa mga nagiging dahilan para sa abala at delay sa biyahe lalo na tuwing peak season. 

Kabilang pa rin sa Limang pinakamataong pantalan ay ang Panay/ Guimaras/ Iloilo, Batangas, Panay/ Guimaras/ Jordan, Mindoro/ Calapan, at Panay Guimaras Dumangas kung saan Holy Wednesday at Easter Sunday ang mga pinakamataong araw na inaasahan ngayong Holy week.

###