PPA GENERAL MANAGER JAY SANTIAGO NAG-INSPEKSYON SA DALAWANG PINAKAMATONG TERMINAL SA BUONG BANSA BAGO ANG INAASAHANG EXODUS NGAYONG BAGONG TAON

27 DISYEMBRE 2023, MAYNILA — Bilang bahagi ng kahandaan at pagsisiguro ng kaligtasan ng publiko na uuwi sa kani-kanilang mga probinsya at mga magbabalik sa Kamaynilaan, nagsagawa ng surprise inspection si Philippine Ports Authority General Manager Jay Santiago sa Port of Batangas at Port of Calapan ngayong ika-27 ng Disyembre. 

Unang binisita ni GM Santiago sa Port of Batangas kung saan pumapalo sa 17,000-22,000 ang pasahero kada araw sa nasabing pantalan tuwing peak season. 

Nagtungo rin ito sa gate ng terminal kung saan nagkaroon ng siksikan ng tao sa labas ng terminal ng pantalan noong kasagsagan ng bago magpasko. Maluwag ang loob ng terminal at kaya nitong tumanggap ng 8,000 pasahero. 

"Unang una bago nag simula ang influx, weeks before nag abiso tayo na dapat maging maaga ang preparasyon at pagbili ng ticket talagang inaasahan na natin yan, ang rason din nyan eh kulang ang barkong bumabyahe at dahil nga nagkaroon pa ng bagyong kabayan and I think yung mga shipping lines natin nag cacatch up pa sa byahe na natigil doon. Hinihingi talaga natin sa mga kababayan natin na magbaon ng mahabang pasensya dahil wala namang may gusto na pagdaanan nila ang hirap ng byahe", ayon kay GM Santiago. 

Bukod sa dagsa ng mga pasahero, isa rin sa nakita ng PPA GM ang taunang problema sa online ticketing dahil mabagal umano ang processing ng mga shipping lines at karamihan ng mga pasahero ay hindi pa rin naka online booking bago pumunta sa pantalan. 

"Kung makikita nyo naman ang terminal natin maluwag pa siya, kaya niya ang kapasidad na 8,000. Ang problema kaya nagkakaroon ng pila doon ay dahil sa mga bumibili ng ticket. Karamihan dyan di pa naka online ticketing talagang mano-mano at doon nag kakaroon ng bottleneck makikita nyo naman doon sa approach towards the ticketing booths kaya lang mabagal talaga ang processing nila ay dahil doon sa ticketing", dagdag pa ni Santiago. 

Matatandaang 2019 pa nang unang iprayoridad ng PPA ang e-ticketing na layong magkaroon ng unified electronic ticketing system para sa pagbo-book at pagbabayad ng ticket para sa mga roll-on/roll-off ports ngunit ipinatigil ito. 

Sa kanyang pagbisita sa Port of Batangas, inikot din ni GM Santiago ang expansion ng passenger terminal building (PTB) na binuksan na sa publiko upang mapalawak ang kapasidad ng pantalan ngayong Disyembre na inaasahang dadagsa ang mga pasahero.

"Kung dati nasa 3,500 meron tayong additional na another 4,500 so ang total passenger capacity natin dito ay 8,000 passengers. Ito na ang pinakamalaking passenger terminal natin sa buong Pilipinas sa ngayon," saad pa ni GM Santiago.

Nagpaalala rin ang PPA na huwag nang magdala ng mga ipinagbabawal na items gaya ng gunting, blade, lighter, posporo, at maging mga paputok. Bukod sa mga patalim, mayroon ding ilang lugar ang nagbabawal sa pagpasok ng mga pork products kabilang na ang hamon at chicharon dahil sa pag-iingat laban sa african swine flu (ASF). Pinapayuhan ang mga pasahero na alamin muna sa mga local government unit kung anong produkto ang hindi pinapahintulutang makapasok sa kanilang lugar.

###