PPA: Dagdag na barko, solusyon sa mahabang pila sa Calapan

04 ENERO 2023, MAYNILA —Karagdagang barko ang nakikitang solusyon ng Philippine Ports Authority (PPA) sa naging mahabang pila ng mga pasahero sa Port of Calapan sa unang araw ng balik eskwela at trabaho matapos ang holiday season.

Ayon kay Port Management Office (PMO) Mindoro Port Manager Elvis Medalla, bukod kasi sa malakas na alon ng dagat at sama ng panahon, naging mabagal rin kasi ang turn-around time ng mga pampasaherong barko sa nasabing pantalan dahil nabawasan ang mga barko na bumabiyahe rito.

"Yon pong barko natin ay kulang po talaga. Dati po kasi meron po tayong apat na FASTCRAFT na bumabiyahe sa Calapan-Batangas-Calapan, pero ang bumabiyahe nalang po sa ngayon ay isa nalang po, OCEAN JET," ani Medalla.

Ayon sa Port Manager ng Mindoro, posibleng umabot pa ang mahabang pila sa January 4, 2023 base na rin sa kanilang mga nakaraang karanasan na dagsa ng mga tao na magbabalikan sa Metro Manila. Nagdagdag naman aniya ang PMO Mindoro ng mga karagdagang tents at canopy para masilungan ng mga pasaherong nag-iintay, habang ang parking space sa kanilang opisina ay ginamit naman muna bilang waiting area para sa senior citizens, PWDs, mga buntis at may dalang bata.

Binigyang diin naman ni General Manager Jay Santiago ang long-term solution sa problema sa mahabang pila sa pamamagitan ng pagsasaayos ng bagong Passenger Terminal Building ng Port of Calapan na inaasahang bubuksan na sa Marso 2023.

“Kami po ay humihingi ng pang-unawa sa mga kababayan natin na pumila ng napakahaba dito sa Calapat Port kahapon. Ito po ay paulit-ulit na rin naming panawagan, na madagdagan ang mga bumabyaheng barko para hindi na nag aantay ng sobrang tagal ang mga pasahero natin. Hopefully, malaking tulong rin pag nabuksan na natin this year yung bagong Passenger Terminal Building" ani Santiago.

Ang bubuksang bagong Passenger Terminal Building (PTB) sa pantalan ay kayang makapagserbisyo sa 3,500 na pasahero at siya ring magiging pinakamalaking PTB sa bansa.

"Asahan niyo po na kapag nabuksan na natin ang bagong Passenger Terminal Building sa Calapan, mas komportable na kayo sa loob tuwing sasapit ang ganitong panahon,”

Mula Disyembre 27, 2022 hanggang Enero 2, 2023, nasa 77,242 na pasahero ang nabigyang serbisyo sa Calapan Port habang kahapon, Enero 3, 2023 ay nasa 16,086 na pasahero ang naitalang dumaan sa pantalan.

Ayon sa datos ng PMO Mindoro, ngayong araw ang may pinaka mataas na bilang ng mga pasahero sa Calapan Port mula Disyembre 27, 2022 na sinabayan pa ng masamang lagay ng panahon.

###