MGA EMPLEYADO NG PPA NAKIISA SA MATAGUMPAY NA BAGONG PILIPINAS KICK-OFF RALLY

29 ENERO 2024, MANILA — Naging makabuluhan ang pagdalo ng mga empleyado ng Philippine Ports Authority sa isinagawang Bagong Pilipinas Kick-Off Rally sa Quirino Grandstand sa Maynila nitong Enero 28, 2024. Kaisa ang ahensya sa pagpupunyagi ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. upang mapabuti ang kinabukasan ng bawat Pilipino.

Ipinakita ng mga empleyado ng PPA ang kanilang suporta sa panawagan ni Pangulong Marcos na isang pagbabago na magbebenepisyo ang lahat ng mga Pilipino.

“Ang layunin ng Bagong Pilipinas ay maglatag ng mga mithiin na dapat nating makamtam para sa kinabukasan ng ating bayan. It is a call for transformation of our idea of being a Filipino, and the transformation of our economy, governance and society,” pahayag ni Pangulong Marcos sa talumpati sa ‘Bagong Pilipinas’ kick-off rally.

Nakikiisa rin ang PPA sa pagsusumikap at mabilis na pagkilos upang mas mapagaan ang pamumuhay ng mga Pilipino na nakaangkla sa Philippine Development Plan of 2023 to 2028.

"Ang Philippine Development Plan, ‘yan ang isa sa mga batayang dokumento kung saan hinango ang Bagong Pilipinas, our brand of governance,” saad pa ng pangulo sa harap ng libo-libong mga dumalo sa naturang event mula sa iba’t ibang kagawaran ng pamahalaan, mga local government units, at mga Pilipinong sumubaybay.

Nagbigay ng kumpiyansa at katatagan ng loob ang talumpati ng pangulo para sa mga lingkod bayan na nagsisilbi sa bawat Pilipino at sa ating bansa na humaharap sa iba’t ibang mga hamon. Nanawagan si Pangulong Marcos ng pagkakaisa, positibong pananaw, at pagbabago.

Binigyang-diin pa ng Pangulo ang kagitingan at katapangan ng mga Pilipino gaya ng SAF 44 na aniya’y hindi naubusan ng lakas ng loob. Kinilala din ni Pangulong Marcos ang mga medical frontliner na hindi nagpatinag sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic, ang mga atletang humakot ng medalya sa nakalipas na Asian Para Games, at ang sipag at talingong taglay ng mga Pilipinong manggagawa at mga nangangalakal.

“Sa ating mga kapwa Pilipino na mababa ang tingin sa kanilang sarili at kakayahan, ang mga nababanggit kong huwarang Pilipino ang itataas ang ating noo kahit kanino... Sa totoo lang, sa bayang ito, hindi po mabibilang ang dami ng mga katulad nila, mga tanglaw na ‘di kayang takpan ng kadiliman,” sabi pa ni Pangulong Marcos.

###