INTERNATIONAL CRUISE SHIP NA RESORTS WORLD ONE, DUMAONG SA PORT OF MANILA

23 ENERO 2024, MANILA — Makulay at masayang pagsalubong ang bumungad sa mga turistang lulan ng international cruise ship na Resorts World One matapos itong dumaong sa Manila South Harbor ngayong Martes, Enero 23, 2024. 

Gaya ng naging aksyon sa mga naunang international cruise ship na dumaong sa bansa ngayong Enero – ang MV Vasco Da Gama at MV Westerdam – maagang pinaghandaan ng pamunuan ng Philippine Ports Authority (PPA), katuwang ang iba pang mga ahensya ng pamahalaan, ang pagdaong ng Resorts World One. Ito’y upang masiguro na ligtas at maayos ang pagdaong ng nasabing barko. 

Galing sa Hong Kong ang Resorts World One at dumating sa Maynila dakong alas-10  ng umaga. May sakay ito na 1,620 na mga pasahero at higit isang libong mga crew.  Ito na ang pangatlong cruise ship na dumaong sa Manila South Harbor para sa isang transit call. Matapos ang sight seeing ng mga dayuhang turista sa mga tourist destination nakatakda rin itong umalis sa parehong araw para naman magtungo sa Boracay. 

Ngayong 2024, nasa humigit kumulang 70 na ang inaasahang cruise ship arrival sa mga pantalan ng Pilipinas. Umaasa ang PPA na madadagdagan pa ito at mahihigitan ang nasa 160 na mga cruise vessels na dumaong sa Pilipinas noong 2023. 

Sinisiguro ng PPA na pagagandahin pa ang mga pantalan sa bansa lalo pa’t kinilala ang Pilipinas bilang ‘Best Cruise Destination in Asia’noong 2023 mula sa World Cruise awards. Kaugnay nito, nagsimula na ang pagtatayo ng mga terminal na nakalaan para sa cruise operations, ilan sa mga ito ay matatapos na sa unang quarter ng taon gaya ng Cruise Ship Port sa Jubang Port sa Surigao del Norte. 

Tuloy pa rin ang kampanya ng PPA na #PPAsyalTayo para mas ma-promote ang mga sikat na destinasyon sa bansa na mararating sa pamamagitan ng mga pantalan na nasa ilalim ng ahensya ng pamahalaan, pagtatampok sa masasarap na pagkain, at mga aktibidad na maaaring magawa ng mga turista. 

 

###