Bagong Port Operations Building ng Palawan, Handa na sa Dagsa ng mga Turista at sa mga Uuwi ng Probinsya Ngayong Semana Santa

22 MARSO 2023, PALAWAN — Matapos ang inagurasyon ng Port Operations Building (POB) ng Port of Masbate, POB naman ng Coron Palawan ang binuksan na ng Philippine Ports Authority (PPA) ngayong ika-22 ng Marso 2023.

Mula sa dati nitong 250 passenger capacity, lubos na lumaki na ang kapasidad nito hanggang 500 pasahero at kaya pang mag-extend hanggang 700-900 na pasahero kung peak season. Mas maaliwalas na rin ang disenyo ng POB na umiikot nalang sa mga salamin at kulay puti at asul na lamang mula sa dati nitong iba-ibang kulay. Kumpleto na rin ito sa mga pasilidad na mayroon ng all gender restroom, at breastfeeding station.

Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, ang Coron POB ay isa sa mga maipagmamalaki ng PPA lalo na ngayong nagsimula na ang peak season ng mga turista sa Palawan ngayong Marso.

“This will not only bring tourism and trade to the surrounding provinces of Palawan, but this will also bring connectivity and mobility to the people and tourists of Palawan” ani Santiago.

Bukod kasi sa konstruksyon ng back up area na 5000sqm, nasimulan na rin ang konstruksyon ng karagdagang 51 meter wharf na may 2 RORO ramps.

Ayon kay PPA PMO Palawan Port Manager Elizalde Ulson, napapanahon ang pagkakagawa ng bagong POB dahil nagkakaubusan na rin ang mga flights papuntang Coron at ang pinakamadaling paraan ng pagbiyahe tungo sa isla ay sa pamamagitan ng pagbiyahe ng mga barko sa dagat.

"Sa totoo lang, base sa mga pasahero naririnig natin sa kanila na mas convenient na ngayon kasi hindi na sila mababasa kapag naulan at world class na rin mismo yung pasilidad dahil mula sa pantalan may view kana", dagdag ni Ulson.

Mula sa Port of Coron, nagsisilbi itong gateway sa mga pinakadinarayong tourist sites sa Palawan. 4-5  oras mula sa pantalan, makakarating na sa El Nido Palawan, at 30 minuto papunta sa mga destinasyon gaya ng Barracuda lake, Twin Lagoon, at Kayangan lake.

Ayon kay PPA GM Jay Santiago, ito ay bahagi ng #TatloSaMarso na mga proyekto ng mga PPA bilang paghahanda na rin sa nalalapit na dagsa ng mga pasahero sa nalalapit na Semana Santa.

“Ito na po yung pangalawang proyekto na pinasinayaan natin ngayong Marso, ang susunod na po ay ang pinakamalaking passenger terminal building sa buong bansa sa Port Of Calapan sa Oriental Mindoro, tuloy-tuloy po tayo para sa ika-giginhawa ng mga gumagamit ng pantalan”, dagdag pa ni Santiago.

Nasa 500 ang daily average passenger sa Port of Coron at inaasahang mas dadami pa pagdating ng Semana Santa.

###