Tiniyak ng Philippine Ports Authority (PPA) na lehitimo at kwalipikadong government supplier ang Boston Home Inc., ang contractor ng Body-Worn Camera Project ng ahensya, matapos itong sumailalim at makapasa sa masusing procurement process alinsunod sa Republic Act No. 9184 o Government Procurement Reform Act, at makapagsumite ng kumpletong legal, teknikal, at pinansyal na dokumento bilang kompanya.
Pinaliwanag ni PPA General Manager Jay Santiago na bukod sa mga kinakailangang dokumento at requirements, walang itinatadhana ang batas na tumutukoy sa tiyak na itsura o lokasyon ng opisina ng kompanya o negosyo ng isang bidder.
“Ang tinitingnan po natin, at napakahigpit po natin dito, ay kung ang bidder o supplier ay may valid PhilGEPS registration o Philippine Government Electronic Procurement System accreditation. Pagdating naman sa kanilang financial capability, may malinaw na formula ang ating procurement law kung paano ito kinokompyut,” ani GM Santiago.
Dagdag pa niya, hindi pinahihintulutan ng batas na magkaroon ng anumang inspection o direct verification sa mga opisina ng bidders bago ang bidding upang maiwasan ang conflict of interest o undue advantage.
“Sa ilalim po ng batas, bawal po ang anumang contact sa mga supplier bago ang bidding. Malalaman lamang ng ahensya kung sino ang mga bidders pagkatapos nilang magsumite ng kanilang bids. Ang anumang pagbisita o beripikasyon ng opisina ay maaari lamang gawin bilang bahagi ng post-qualification kapag natukoy na ang Lowest Calculated Bid,” paliwanag ni GM Santiago.
Batay sa PPA Bids and Awards Committee (BAC), dumaan sa masusing evaluation at post-qualification ang Boston Home Inc. bago ideklarang Single Calculated and Responsive Bidder sa pamamagitan ng open, transparent, at competitive bidding.
Nagsumite ang kompanya ng kumpletong dokumento kabilang ang:
• valid business permits at registrations
• mayor’s permit at BIR registration
• PhilGEPS Platinum Certificate of Registration
• audited financial statements
• tax clearance
• at listahan ng mga natapos na kontrata
Nilinaw din ng BAC na hindi naisagawa ang physical inspection ng opisina ng Boston Home Inc. dahil isinagawa ang post-qualification sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic, alinsunod sa mga umiiral na health and safety protocols. Sa halip, isinumite at sinuri sa PPA Head Office ang mga orihinal na dokumento upang mapatunayan ang pagiging lehitimo ng kompanya.
Bilang bahagi ng post-qualification, sinuri rin ng BAC ang Consolidated Blacklisting Report ng Government Procurement Policy Board (GPPB) upang matiyak na ang kompanya ay hindi kabilang sa listahan ng mga blacklisted entities.
Ang GPPB ay hindi nag-iisyu ng sertipikasyon, ngunit ang pagkakabilang o kawalan ng kompanya sa nasabing listahan ay maaaring i-verify sa opisyal na GPPB website, alinsunod sa Section 34.3(b) ng IRR ng RA 9184.
Una nang nilinaw ng PPA na ang higit ₱168-milyong kontrata ay hindi lamang para sa 164 body-worn cameras, kundi para sa kumpletong surveillance at digital evidence management system na ipapatupad sa 22 Port Management Offices (PMOs) sa buong bansa.
Saklaw ng proyekto ang:
• body-worn cameras na may live streaming at facial recognition
• evidence management system na may encryption at access control
• central servers, data storage, at docking stations
• satellite communication at fiber connectivity
• system integration at nationwide installation
• training ng mga gagamit na personnel
• at after-sales support at warranty
Sinisiguro ng PPA na may napatunayang track record ang kompanya sa mga government projects. Nauna na itong nakatapos ng ₱217-milyong surveillance system project para sa Philippine Coast Guard at nakatanggap ng Notice of Award mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) nitong 2024, kapwa sa pamamagitan din ng public bidding.
“Sa loob ng siyam na taon na pinamamahalaan natin ang PPA, very overprotective po ako sa ahensya at sa mga kawani natin, lalo na sa procurement process. Napaka-critical po nito at ayaw nating magkaroon ng anumang akusasyon na tayo ay lumalabag sa batas o proseso. Bukas po kami sa anumang review, at makikita po ninyo na sa prosesong ito, wala kayong makikitang anomalya,” saad ni GM Santiago.
###