PPA ipinatupad na ang Piso Ro-Ro Terminal Fee para sa mga transporter ng produktong agrikultural.
15 ABRIL 2026 – Bilang tulong sa mataas na presyo ng produktong petrolyo at sa taas-presyo ng mga bilihin, sinimulan na ng Philippine Ports Authority (PPA) ang implementasyon ng PISO (Php 1) Ro-Ro Terminal Fee (RRTF) para sa mga sasakyang may kargang hilaw at hindi naprosesong produktong agrikultural, alinsunod sa Administrative Order No. 003-2026. Layunin nitong mapagaan ang gastusin ng mga transporter sa gitna ng tumataas na presyo ng krudo, mapabilis ang daloy ng logistics, at matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng pagkain sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Bago ang pagpapatupad nito na nagsimula noong Abril 10, 2026, umaabot sa ₱258 ang RRTF para sa Type 3 vehicles tulad ng light delivery trucks, vans, at pick-up trucks, habang nasa ₱516 naman para sa Type 4 vehicles gaya ng heavy delivery trucks. Sa ilalim ng PISO RRTF, ibinaba ang bayarin sa ₱1.00 para sa mga kwalipikadong sasakyang nagdadala ng produktong agrikultural. Inaasahang magreresulta ito sa mas mababang operational costs at mas abot-kayang presyo ng mga bilihin sa merkado.
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, mahalaga ang programa sa pagsuporta sa sektor ng agrikultura at logistics chain. “Sa pamamagitan ng PISO RRTF, layunin nating maibsan ang pasanin ng ating mga transporter at matiyak na ang mga produktong agrikultural ay makarating sa pamilihan nang mas mabilis at mas abot-kaya,” aniya.
Saklaw ng programa ang transportasyon ng butil gaya ng bigas at mais, prutas at gulay, produktong pangisdaan, at mga hayop at manok sa buhay at hilaw na anyo. Hindi kabilang ang mga processed agricultural products.
Upang makapag-avail ng ₱1.00 RRTF, kailangang magpakita ng alinman sa mga sumusunod:
- Waybill, Bill of Lading, o Delivery Receipt
- Cargo manifest o katumbas na dokumento
- Mga permit o clearance mula sa mga kaakibat na ahensya (hal. DA, BAI, BFAR), kung kinakailangan
Pinasimple rin ng PPA ang proseso upang mas maging episyente ang programa para sa mga truck driver at pahinante. Imbes na magsumite ng notarized sworn declaration, kailangan na lamang ng visual verification at pagkuha ng malinaw na larawan ng sasakyan at kargamento upang mapatunayang kwalipikado sa nasabing diskwento.
Kasabay ng implementasyon ng PISO RRTF, may mga truck driver at pahinante na agad nakinabang sa nasabing programa gaya ni Omar Beranda na galing Zamboanga City at papunta sa Cebu City. Aniya, “Ngayon lang kami nakadanas ng piso. Nagpapasalamat kami nang marami sa PPA dahil sa tulong ninyo na discount sa amin.”
Dagdag pa ng isa pang driver na si Roldan Dimaano na galing Batangas, “Napakalaking bagay po ito sa aming mga biyahero dahil kahit paano po ay nakamenos po kami sa gastusin.”
Magiging epektibo ang PISO RRTF sa loob ng anim (6) na buwan at maaaring sumailalim sa pagsusuri para sa posibleng pagpapalawig, pagbabago, o pagtigil nito, depende sa galaw ng presyo ng krudo at epekto nito sa operasyon.
Tiniyak ng PPA ang mahigpit na monitoring sa implementasyon sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga dokumento, visual verification, audit at post-verification. Babala ng ahensya, ang sinumang mapapatunayang magsusumite ng maling deklarasyon o hindi kwalipikadong kargamento ay papatawan ng dobleng regular na RRTF, bukod pa sa posibleng legal na pananagutan.
###
