DOTR PPA, NAG-INSPEKSYON SA BATANGAS PORT; TINIYAK NA WALANG DAGDAG BAYARIN SA KABILA NG KAGULUHAN SA MIDDLE EAST

DOTR PPA, NAG-INSPEKSYON SA BATANGAS PORT; TINIYAK NA WALANG DAGDAG BAYARIN SA KABILA NG KAGULUHAN SA MIDDLE EAST

DOTr at PPA, nagsagawa ng inspeksyon sa Batangas Port para siguraduhing nananatiling walang dagdag na bayarin.

13 MARSO 2026 — Maagang nag-inspeksyon sa Batangas Port Passenger Terminal ang pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) sa panguguna ni Acting Secretary Giovanni Lopez, Philippine Ports Authority General Manager Jay Santiago, kasama rin ang Maritime Industry Authority (MARINA), at Philippine Coast Guard (PCG), upang tingnan ang sitwasyon sa isa sa pinakamalaking pantalan sa bansa nitong Biyernes (Marsos 13, 2026) sa Batangas Port.

“Nag-inspeksyon tayo dahil Semana Santa, kailangan nating tingnan ‘yung ating mga pasilidad at isa sa busiest port sa ating bansa ay itong Batangas Port. Pangalawa po, ay ‘yung issue natin sa fuel price hike dahil sa nangyayaring kaguluhan sa Gitnang Silangan,” sabi ni DOTr Acting Secretary Giovanni Lopez.

Sinuri rin ng kalihim ng DOTr ang ticketing booths ng mga shipping line upang malaman ang kasalukuyang pamasahe ng mga ito sa kanilang mga pasahero, kasunod ng mga ulat na may pagtaas na sa singil.

“Ang fare po kasi nila ay deregulated, hindi po ito nire-regulate ng MARINA. Bagama’t hindi deregulated, ang sinasabi natin sa kanila kung magtataas sila ng kanilang pamasahe it should be reasonable. Naglabas po ng memorandum circular ang MARINA na kung magtataas ng pamasahe ang shipping line, it must be within 20 percent,” ani Acting Secretary Lopez.

Hinikayat din ng kalihim ang mga pasahero na isumbong sa kinauukulan ang shipping lines na magpapataw ng pamasahe na higit sa itinatakda sa memorandum.

Sa panig naman ng PPA, tiniyak ng ahensya na libre pa rin ang passenger terminal fee para sa mga senior citizen, person with disabilities, mga estudyante, at uniform personnel. “Libre po sila at never po sila magbabayad ng passenger terminal fee,” aniya.

Halos wala namang magiging epekto sa presyo at supply ng krudo ang mungkahi na suspendihin ang government share sa port charges ayon naman kay PPA GM Santiago kaugnay ng panukalang pagsuspinde sa government share sa port charges sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

“Yung pagtatanggal ng fees sa ating mga pantalan, kung pag-uusapan natin ay ‘yung logistics ng mga produktong binibili natin araw-araw gaya ng bigas at sardinas ang ginagastos para makarating ang mga ito sa mga tindahan ay kulang-kulang 3 porsyento lamang ng mismong presyo,” dagdag pa ni GM Santiago.

Batay sa pag-aaral ng PPA, ang government share mula sa nasabing port charges ay maliit lamang na bahagi ng kabuuang presyo ng mga produkto.

“Ang government share po sa 3 percent na ‘yun ay naglalaro lamang sa halos 10 porsyento. Ibig sabihin, halos wala pang isang porsyento ng kabuuang presyo ng produktong kinokonsumo natin,” ani Santiago.

Ayon pa kay GM Santiago, ang pinakamalaking bahagi ng gastusin sa logistics chain ay nagmumula sa shipping at trucking expenses.

“Ang sistema po kasi diyan, ang pinakamalaki pong cost ng produkto bukod sa pagma-manufacture diyan ay ‘yung shipping charges na mahigit 50 porsyento po ng produkto,” ani GM Santiago.

Kasunod ng shipping cost ay ang trucking expenses na umaabot sa humigit-kumulang na 35 porsyento, habang ang natitirang bahagi ay mula sa iba pang bayarin tulad ng sa customs at sa logistics services gaya ng warehousing.

Bilang bahagi naman ng panawagan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magtipid sa enerhiya, nagpatupad na ang PPA ng 4-day work week at iba pang fuel-saving measures. Kabilang dito ang pagpapatay ng ilaw at electrical equipment kapag hindi ginagamit, pagpatay ng air-conditioning units pagsapit ng alas-5:00 ng hapon, at pagpapanatili ng thermostat setting na hindi bababa sa 24°C.

Mayroon ding panuntunan ang PPA sa pagtitipid sa gasolina, kabilang ang mahigpit na paggamit ng mga sasakyan ng ahensya para lamang sa opisyal na lakad, pagpapatupad ng carpooling arrangement, at pagsunod ng mga driver sa “no idling policy” upang maiwasan ang pag-aaksaya ng fuel habang naka-park o naghihintay ang sasakyan.

Ang Batangas Port ang isa sa pinakamalaking pantalan sa buong bansa na mayroong kapasidad na hanggang 8,000 pasahero. Tuwing peak season, umaabot sa higit 25,000 na mga pasahero ang sumasakay at bumababa sa pantalang ito mula sa Visayas at Mindanao.

 

###