PPA tiniyak ang kahandaan ng mga pantalan sa banta ng Bagyong Uwan
8 NOVEMBER 2025 — Kasunod ng pagtama ng bagyong ‘Tino’ sa Visayas at ilang bahagi ng Mindanao, at sa gitna ng banta ng bagyong ‘Uwan’, siniguro ng pamunuan ng Philippine Ports Authority (PPA) na tuloy-tuloy ang koordinasyon nito sa iba pang ahensya ng pamahalaan, mga port terminal operator, at mga shipping line upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
“Dahil sa sunod-sunod na bagyo maaga po tayong nakapaghanda sa Bagyong Uwan lalo’t kagagaling lang sa Undas, lahat ng ating mga Port Management Office (PMO) sa buong bansa ay nagsasagawa na ng coordination meeting kasama ang mga local government unit o LGU, MARINA, terminal operator, at mga shipping line para masigurong handang-handa tayo sa posibleng maging epekto ng malakas na bagyo habang tinitiyak natin ang kaligtasan ng mga empleyado at mga pasahero,” ani PPA General Manager Jay Santiago.
Ayon kay GM Santiago, nakahanda na ang mga emergency plan sa bawat pantalan, kabilang ang prepositioning ng mga relief goods, pag-inspeksyon sa mga pasilidad ng pantalan, at pagsisiguro na may sapat na tauhan upang gabayan ang mga pasahero. Naka-standby din ang emergency response team ng ahensya sakaling kailanganin.
Ilang shipping line na ang nagkansela ng biyahe kasunod ng ibinabang suspensyon ng mga biyahe ng mga barko mula sa Philippine Coast Guard (PCG), bilang pag-iingat sa inaasahang malakas na bagyo. Payo ng PPA sa publiko, makipag-ugnayan sa mga shipping line kung saan nila nabili ang kanilang ticket upang matiyak kung tuloy ang kanilang biyahe. Tiniyak din ni GM Santiago na handa ang mga tauhan ng PPA na tumulong sa mga pasaherong maaapektuhan ng kanselasyon ng biyahe o mai-stranded sa mga pantalan.
“Katuwang po natin ang Department of Social Welfare and Development pati na rin ang ating mga terminal operator upang makapagbigay ng tulong sa mga pasaherong maaaring ma-stranded. Nakaposisyon na po sa mga pantalan ang mga ready-to-eat food packs mula sa DSWD. Mayroon din pong mga water station at charging station sa ating mga passenger terminal building,” dagdag pa ni GM Santiago.
Bukod dito, mayroon ding air-to-water system na naka-deploy sa ilang pantalan na pinamamahalaan ng PPA, na maaaring mag-supply ng malinis na inuming tubig sakaling magkaroon ng power interruption o sa panahon ng sakuna.
Maaari rin na makita ang mga kanseladong biyahe ng mga barko at iba pang update sa mga pantalan sa official social media page ng PPA.
###
