DOTR, PPA NAG-INSPEKSYON SA PINAKAMALAKING PORT PASSENGER TERMINAL; HANDA NA PARA SA INAASAHANG 2.2M

DOTR, PPA NAG-INSPEKSYON SA PINAKAMALAKING PORT PASSENGER TERMINAL; HANDA NA PARA SA INAASAHANG 2.2M

Nagsagawa ng inspeksyon ang DOTr at PPA sa Batangas Port bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa Undas 2025.

27 Oktubre 2025 — Maagang nag-inspeksyon sa Batangas port sina Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Lopez at Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago ngayong Lunes, ika-27 ng Oktubre 2025 upang tiyakin ang kahandaan ng mga pasilidad, kawani, at operasyon ng pantalan sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa paggunita ng Undas 2025.

Tinatayang aabot sa 2.2 milyong pasahero sa buong bansa ang daraan sa mga pantalan na nasa ilalim ng pamumuno ng PPA mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 5, 2025 na mas mataas kumpara sa 1.9 milyong naitala noong Undas 2024 sa kaparehong panahon.

Matatandaang nagkaroon ng anunsyo ang Malacañang sa ilalim ng Proclamation No. 727, kung saan idineklara ang Oktubre 31, 2025 bilang karagdagang special non-working day. Dahil dito, inaasahan ang mas mahabang weekend na magbibigay-daan sa mas maraming Pilipino na makauwi sa kani-kanilang mga probinsya upang dalawin ang mga yumaong mahal sa buhay.

Nitong nakaraang taon, naitala ang pinakamataas na bilang ng mga pasahero sa Iloilo Port (218,916), sinundan ng Jordan Port (112,793), Batangas Port (110,792), Calapan Port (83,785), at BREDCO Port (79,360).

“Layunin po ng PPA na matiyak ang ligtas, maayos, at maginhawang biyahe ng bawat pasahero ngayong Undas. Ang ating mga kawani ay buong pusong nakahanda upang magbigay ng tapat at dekalidad na serbisyo sa ating mga kababayan lalo na sa panahon na mas kailangan tayo sa mga daungan,” pahayag ni GM Santiago.

Sa ilalim ng Oplan Biyaheng Ayos: Undas 2025 na ipinag-utos ng DoTr, tiniyak ni GM Santiago na ang lahat ng Port Management Offices (PMOs) ng PPA ay may full manpower deployment upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon at maayos na serbisyo sa mga pasahero. Suspendido rin ang lahat ng leave ng mga kawani sa nasabing panahon bilang bahagi ng mas pinaigting na paghahanda ng ahensya.

Bilang karagdagang hakbang sa seguridad, pinalakas ng PPA ang koordinasyon sa Philippine Coast Guard (PCG) at PNP–Maritime Group (PNP–MG) upang tiyaking ligtas at maayos ang daloy ng mga pasahero sa mga pantalan. Nakahanda rin ang Malasakit Help Desk na bukas 24/7 sa mga pantalan upang agad na matugunan ang mga pangangailangan at katanungan ng mga pasahero.

Paalala ng PPA sa publiko, dumating nang mas maaga sa pantalan bunsod na rin ng maraming taong makakasabay sa byahe, at makipagtransaksyon lamang sa mga lehitimong ticketing outlets ng mga shipping line upang maiwasan ang mga peke at scammers na nagbebenta ng hindi otorisadong ticket.

"Iwasan na rin po natin ang mga ipinagbabawal na gamit gaya ng matutulis na bagay, paputok, at mga likidong madaling magliyab para di na tayo maabala sa inspeksyon sa mga x-ray scanners", dagdag ni GM Santiago.

Samantala, kasunod ng mga ulat ng pagtaas ng kaso ng influenza-like illness (ILI) cases pinapayuhan ng ahensya ang publiko na sundin ang abiso ng Department of Health hinggil sa mga hakbang para makaiwas sa sakit gaya ng paghuhugas ng kamay, pagkakaroon ng sapat na pahinga kung mayroong sama ng pakiramdam, at pagkain ng masustansyang pagkain.

###