Kinondena ng pamunuan ng PPA ang marahas na pagpatay kay Atty. Joshua Abrina, OIC ng Administrative Division ng PMO Palawan, at tiniyak ang pakikipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon para makamit ng kanyang pamilya ang hustisya.
18 Setyembre 2025 — Mariing kinondena ng Philippine Ports Authority (PPA) ang pagpaslang kay Atty. Joshua Lavega Abrina, Officer-in-Charge ng Administrative Division ng Port Management Office (PMO) ng Palawan.
Pinagbabaril ng hindi pa natutukoy na mga salarin si Atty. Abrina sa tapat ng kanyang tahanan sa Barangay San Jose, Puerto Princesa City nitong Miyerkules ng gabi, Setyembre 17, 2025. Kagagaling lamang ng biktima mula sa isang prayer meeting kasama ang kanyang pamilya nang mangyari ang krimen. Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente para matukoy ang pagkakilanlan ng mga suspek.
Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, nagpaabot ng pakikiramay at tulong ang PPA-PMO Palawan sa pamilya ng biktima.
Pormal na nanumpa si Atty. Abrina sa PPA-PMO Palawan bilang Attorney III noong ika-16 ng Hulyo 2025. Sa sumunod na buwan, itinalaga naman siya bilang Officer-in-Charge ng Administrative Division nitong ika-19 ng Agosto 2025.
Tiniyak ng pamunuan ng PPA na patuloy itong makikipagtulungan at makikipag-ugnayan sa mga awtoridad upang masiguro ang mabilis na pag-usad ng imbestigasyon at upang maihatid ang katarungan para kay Atty. Abrina at sa kanyang pamilya.
Nagpatupad na rin ang PPA ng mas pinaigting na mga security protocols sa pantalan ng Palawan at iba pang lugar ng operasyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga empleyado.
###
