PPA NAGBABALA LABAN SA MGA NAGPAPANGGAP NA ‘ANTI-CORRUPTION’ TASK FORCE NG PAMAHALAAN

PPA NAGBABALA LABAN SA MGA NAGPAPANGGAP NA ‘ANTI-CORRUPTION’ TASK FORCE NG PAMAHALAAN

Naglabas ng babala ang PPA laban sa mga indibidwal na nagpapakilalang miyembro ng “anti-corruption task force” na nangingikil kapalit ng kanilang pekeng inspeksyon sa mga ginagawang proyekto.

18 Setyembre 2025 — Nagbabala ang Philippine Ports Authority (PPA) laban sa bagong modus ng ilang indibidwal na nagpapakilalang miyembro ng isang umano’y “anti-corruption task force” na nagsasagawa ng inspeksyon sa mga proyekto ng pamahalaan.

Ayon sa mga reklamo na natanggap ng ahensya, ang mga naturang indibidwal ay nagpapanggap na opisyal na kinatawan ng gobyerno na mag-iimbestiga diumano sa mga kasalukuyang infrastructure program, kabilang ang mga flood control at ghost projects na kasalukuyang iniimbestigahan ng Kongreso. Pagkatapos magpakilala, hinihingan umano nila ng pera ang ilang opisina o kontraktor kapalit ng hindi pagre-report ng kanilang “imbestigasyon.”

Mariing kinondena ni PPA General Manager Jay Daniel Santiago ang panibagong modus operandi at agad na naglabas ng memorandum na nag-aatas sa lahat ng Port Management Offices (PMOs) nito sa buong bansa na ipaalam ang iligal na aktibidad na ito sa lahat ng mga contractor ng mga proyekto sa kanilang nasasakupan. Pinapalalahanan din ang mga construction company na walang hinihinging anumang bayad ang ahensya para sa inspeksyon.

“We encourage contractors to coordinate with the Office of the Assistant General Manager for Engineering to verify the identity and authority of any inspection team. Let us not exploit national issues for personal gain. Instead, let us work together to build more infrastructure projects that directly benefit our countrymen. Huwag po nating pagkakitaan ang mga problema ng bansa,” ayon kay GM Santiago.

Pinapayuhan ng PPA ang lahat ng kontraktor at katuwang nito na beripikahin muna ang pagkakakilanlan ng mga nagpapakilalang inspection o anti-corruption team bago makipag-ugnayan. Anumang pagtatangka ng panlilinlang o pangingikil ay dapat na agad i-report sa PPA sa numerong (02) 8527-4844 / 8527-4856 o sa email na ogm@ppa.com.ph.

“Hindi po natin pinapalampas ang bawat sumbong. Katuwang po natin ang taumbayan sa pagpapanagot sa mga mapagsamantala at manlilinlang”, dagdag pa ni GM Santiago.

Matatandaang ngayong buwan, iniulat rin ng PPA sa Philippine National Police (PNP) ang ilang manloloko na gumamit ng larawan ni GM Santiago at logo ng PPA sa mga transaksyon upang manghingi ng pera kapalit ng umano’y delivery ng produkto.

###