
Libo-libong pasahero ang naghihintay ng kanilang biyahe sa Batangas Port. Inaasahan na higit kalahating milyong pasahero ang dadagsa sa mga pantalan sa buong bansa matapos ang holiday season.
02 ENERO 2025 — Matapos ang long weekend bunsod ng Pasko at Bagong Taon, inaasahan ang muling pagbabalik ng mga pasahero sa mga pantalan sa paparating na weekend na papalo sa 674,000 mula Enero 3-5, 2025 base sa passenger forecast at datos mula noong nakaraang taon ng Philippine Ports Authority (PPA).
Simula noong Disyembre 15, 2024 hanggang nitong Enero 2, 2025 ay umabot na sa higit 3.6 milyon ang total passenger traffic sa mga pantalan na madadagdagan pa dahil sa mga pabalik pa lamang matapos ang holiday break.
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, nakahanda ang mga pantalan para sa dagsa ng mga magbabalik na pasahero at patuloy na ipinapatupad ang mahigpit na seguridad sa kaligtasan ng publiko kasabay ng panawagan sa mga pasahero na maagang mag-book ng byahe upang maiwasan ang mahabang pila sa ticketing booth ng mga shipping lines.
“Siguro nga po ay dahil hindi nakauwi po noong Undas kaya po dagsa po talaga ngayon at kami po'y humihingi ng pasensya sa mga kababayan natin dahil tayo naman po syempre ayaw naman natin maging inconvenient sa kanila pero sadya po talaga na napakaraming tao po at kailangang dagdagan pa po ‘yung biyahe ng barko,” saad ni GM Santiago.
Nananatili namang naka-heightened alert ang seguridad sa lahat ng mga pantalang pinangangasiwaan ng PPA sa buong bansa kung saan nasa humigit kumulang 3,000 security forces at force multiplier ang nagpapatrol sa mga pantalan. Mayroon ring mga Malasakit helpdesk na nagbibigay ng agarang tulong sa mga pasaherong nangangailangan, may mga romoronda ring K-9 units, at 24/7 na CCTV monitoring.
Samantala, sa kabila ng paalala sa mga pasahero na huwag nang magdala ng mga ipinagbabawal na kagamitan, may mga nakumpiska pa ring matatalim na gamit at nakasusunog na materyal gaya ng kutsilyo, card knife, lighter, at posporo. Nakumpiska rin ng Port Police ang ilang paputok gaya ng isang pasahero sa Dumangas Port na sumubok na magpasok ng paputok noong Disyembre 31, 2024. Papunta sana sa Bacolod ang pasahero nang makita sa x-ray baggage scanner ang dala nitong paputok na kinumpiska ng port police. Alinsunod sa PPA Port Regulations, mariing ipinagbabawal ang pagdadala ng mga paputok sa mga pantalan.
Kabilang naman sa mga Port Management Offices (PMOs) na nakapagtala ng pinakamaraming bilang ng mga pasahero mula sa nasasakupan nilang mga pantalan ay ang PMO Batangas, Bohol, Davao, Negros Oriental/Siquijor, at Bicol.
###