
19 DISYEMBRE 2024 — Walang nakikitang pagsisikip sa mga pantalan ngayong holiday season. Ito ang hinayag ni Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago kasabay ng muling pagpapaalala sa mga pasahero na mag-ingat sa mga masasamang-loob na target manloko sa mga pasaherong babiyahe sa kani-kanilang mga probinsya.
Bilang paghahanda sa inaasahang dagsa ng mga pasahero para sa selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon, nakahanda na ang Oplan Biyaheng Ayos: Pasko 2024 na nagpapatupad ng hightened alert sa lahat ng mga pantalan na nasa ilalim ng pamumuno ng ahensya. Bukod dito ay nagpatupad din si GM Santiago ng Full Manpower at No Leave Policy para sa mga empleyado na nasa frontline.
“We have standard operating procedures. Ang unang-unang ginagawa natin dyan ay – we have issued directive to our all Port Management Offices po to all our frontliners, starting December 22 to January 3, no leaves will be approved. Full manpower compliment tayo sa mga terminals natin. ‘Yung mga terminals natin ay nakipag-ugnayan na sa mga shipping lines para masigurado ‘yung mga schedule ng mga barko and they’re coordinating with the Philippine Coast Guard (PCG) and Maritime Industry Authority (MARINA),” saad ni GM Santiago.
Dagdag pa ni GM Santiago, “Even in the possibility na magkaroon ng weather disturbance during the holiday break prepared din tayo dyan. Alam na ng mga personnel natin sa mga terminals natin on what they should do and what assistance they should extend sa mga kababayan natin na maaaring maging stranded.”
Inaasahan ng PPA ang humigit-kumulang na 4.5 na milyong mga pasahero na babiyahe ngayong holiday season simula Disyembre 22 hanggang Enero 3. Sa Disyembre 23 at Enero 3 ang tinataya na pinakadagsa ang mga pasahero uuwi sa kanilang mga probinsya at babalik na sa kanilang mga trabaho.
Nakaantabay naman ang mga port police at iba pang kawani ng PPA sa lahat ng mga pantalan para matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Kaugnay nito, nagpaalala si GM Santiago sa mga pasahero na maging alerto sa mga scammer gaya ng mga nag-aalok ng travel insurance kahit na hindi naman ito mandatory na kailangan sa pagsakay ng barko. Pinaalalahanan din nito ang lahat ng mga pasahero na huwag nang magdala ng mga pinagbabawal na ipasok sa pantalan, gaya ng mga flammable material, matutulis na armas, at alak.
###