06 DISYEMBRE 2024 — Sa pagtatapos ng taong 2024, muling pinatunayan ng Philippine Ports Authority ang kakayahan nitong makapagbigay ng de kalidad na serbisyo sa publiko bilang ahensya na namamahala at nagpapaunlad ng mga pantalan sa bansa, kasabay ng pagbibigay ng isa sa pinakamataas na kontribusyon sa pamahalaan upang mapalago at mapasigla ang ekonomiya, kalakalan, at turismo.
Sa katatapos lamang na isinagawang year-ender press conference ni PPA General Manager Jay Satiago, nabanggit nito na nakapagtala ang PPA ng kabuuang kita o revenue na ₱22.58 bilyon sa unang sampung buwan pa lamang ng taong 2024. Ang halagang ito ay 7.71% na mas mataas kumpara sa ₱20.96 bilyon na naitala sa parehong panahon noong 2023 at inaasahang tataas pa bago magtapos ang taon. Ngayong 2024, kabilang pa rin sa top 5 Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs) ang PPA mula 2016 bilang isa sa may malaking kontribusyon sa national government dividend dahil sa maayos nitong pamamahala.
Sa kabila nito, hinarap ng PPA ang mga hamon at pagsubok partikular na ang pagdaan ng sunod-sunod na bagyo sa bansa gaya ng Tropical Storm Kristine, Leon, Ofel, Marce, Nika, at Pepito. Sa kabila ng mga pinsala sa pantalan, nagpasalamat si PPA General Manager Jay Santiago sa lahat ng mga kawani ng ahensya na naging bahagi upang makapagbigay ng mahalagang kontribusyon sa pag-unlad ng ekonomiya bansa.
“Habang papalapit ang Pasko at patapos na ang taon, nais kong pasalamatan ang lahat ng mga kawani ng PPA sa iba’t ibang bahagi ng bansa – sa ating mga Port Management Offices – dahil ngayong taong ito lalo na sa mga nakaraang buwan ay napakaraming pagsubok ang pinagdaanan ng ating bansa na sunod-sunod na dinaanan ng mga bagyo. Sa panahong ‘yon nakita natin na ang mga taga-PPA ay may dedikasyon at tunay na pagsisilbi sa ating mga kababayan lalo na sa mga naging stranded na pasahero,” pahayag ni GM Santiago.
Ngayong 2024, nagpapatuloy pa rin ang PPA sa pagpapabuti ng imprastruktura sa mga pantalan. Sa ngayon ay mayroong 28 na mga proyekto na patuloy na ginagawa sa Luzon, 23 naman sa Visayas, habang 15 sa Mindanao.
Sa gitna ng pagpapaunlad sa operasyon at imprastruktura, isang tagumpay din para sa PPA ang makapagtala ng mataas na bilang ng mga pasahero sa unang sampung buwan ng taon. Nabigyan ng serbisyo ang kabuang 65.58M mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon kung saan inaasahan namang madadagdagan ngayong Disyembre ng humigit kumulang 4 na milyong pasahero sa holiday season. Inaasahan na ika-19 ng Disyembre pa lamang ay magsisimula na ang pagtaas ng bilang ng mga pasahero habang Enero 2 hanggang 4 naman sa pagsisimula ng taong 2025.
Sa cargo throughput, nakapagtala naman ang PPA ng kabuang 244.72 milyong metric tons habang ang container throughput naman ay umabot sa 6.42 milyong twenty-foot equivalent unit (TEU). Nanatili namang maayos at walang pagsisikip sa mga pantalan para sa mga cargo, sa tala noong ika-03 ng Disyembre 2024, umabot sa 53.7% ang yard utilization rate sa Manila North Harbour Port Inc.; 65.26% naman sa Manila South Harbor; at 77.89% naman sa Manila International Container Terminal.
“Tayo po sa PPA ay patuloy na magpapatupad ng mga polisiya at proyekto na magpapaunlad sa ating mga pantalan at magbibigay ng maayos na serbisyo sa publiko. Asahan po ninyo na mas gaganda pa ang maihahatid nating tulong para sa mga mamayang Pilipino at pamahalaan sa susunod na taon,” pahayag ni GM Santiago.
###