PPA KAISA SA PAGSUSULONG NG GENDER INCLUSIVITY AT PAGLABAN SA KARAHASAN SA MGA PANTALAN

04 DISYEMBRE — Kaugnay ng 18-Day campaign to end Violence Against Women (VAW) ngayong buwan ng Disyembre at bilang pagtalima sa Safe Spaces Act, naglunsad ang Philippine Ports Authority (PPA) ng mga programa at information drive upang tiyaking umiiral ang pagkakapantay-pantay anuman ang kasarian at mapanatili ang kaginhawaan ng mga pasahero sa  biyahe ngayong magpapasko. Mula sa maayos na pasilidad hanggang sa mahigpit na pagpapatupad ng mga batas para sa kapakanan ng bawat pasahero anuman ang status nito, patuloy na isinusulong ng ahensya ang gender sensitivity at inclusivity sa lahat ng pantalan na pinangangasiwaan nito.

Batay sa tala ng PPA, wala pang naitalang reklamo kaugnay sa paglabag sa Safe Spaces Act o kilala bilang Bawal Bastos Law sa mga pantalan sa mga nakalipas na peak season. Mahigpit na ipinatutupad ng ahensya ang mga polisiya at hakbang para maproktehan ang lahat ng mga pasahero sa pantalan sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga gumaganang CCTV at mga naglilibot na port police sa mga passenger terminal ng PPA.

Bilang tugon rin sa mga panawagan ng pagkakapantay-pantay ng LGBTQIA+ community, mayroon ring gender-neutral restrooms na sinimulan noong 2019 sa inisyatiba ni PPA General Manager Jay Santiago na simbolo ng patuloy na pagsulong ng gender inclusivity sa lahat ng pasilidad ng PPA.

“Mayroon po tayong mga nakakalat na CCTV bukod pa sa mga port police na nasa mga pantalan. Aktibo rin ang ating social media pages kung saan maaari kayong magpadala ng mensahe anumang oras ay may sasagot po sa inyo sakaling may reklamo sa byahe sa pantalan,” pahayag ni GM Santiago kasabay ng panawagan ng  PPA sa publiko na maging alerto at sumunod sa mga panuntunan upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng lahat.

Nagsagawa rin ang PPA ng kampanya para sa VAW-free Philippines na may tema ngayong 2024 na VAW Bigyang Wakas, Ngayon na ang Oras! Kasama na ang pagpapalabas ng infomercials sa mga TV monitor ng mga terminal upang ipaalam sa publiko ang kanilang mga karapatan at ang mga hakbang na maaaring gawin kung sakaling makaranas ng hindi kanais-nais na sitwasyon.  

“Sa PPA, hindi lamang kababaihan ang pinoprotektahan natin kundi lahat po ng kasarian. Kasama rito ang pagkakaroon ng pantay na oportunidad sa mga miyembro ng LGBTQ+ community na makakuha ng posisyon na naaayon sa kanilang kakayahan”, pahayag ni GM Santiago.

Sa kasalukuyan, dumarami na ang mga babaeng opisyal na namumuno sa mga Port Management Offices, isang malaking hakbang patungo sa pagkakapantay-pantay ng kasarian sa industriya. Inilunsad rin ng PPA ang mga aktibidad tulad ng film showings na nagpapataas ng kamalayan ukol sa VAWC, healthcare seminars, at pagsasanay gayan ng Men Opposed to Violence Everywhere (MOVE).

Hinihikayat ng PPA ang bawat Pilipino na makiisa sa kampanya upang tuluyang wakasan ang karahasan laban sa kababaihan at maitaguyod ang dignidad ng bawat isa, anuman ang kasarian.

###