PPA MAAGANG NAKAPAGHANDA SA EPEKTO NG PANANALASA NG BAGYONG ‘ENTENG’

SETYEMBRE 2, 2024 – Bago pa man ang buwan ng tag-ulan ay maagang nagkasa ng paghahanda ang Philippine Ports Authority (PPA) bilang tugon sa epekto ng masamang panahon upang maiwasan ang hindi magandang lagay ng mga pasahero na magtutungo sa pantalan.

Ngayong alas-12 ng tanghali ng Lunes, Setyembre 2, 2024 dulot ng bagyong Enteng, nakapagtala ang ahensya ng humigit kumulang 2,000 na mga pasahero na stranded dahil sa hagupit ng bagyo na ramdam na rin sa dagat at nagdudulot ng pagkaantala ng mga biyahe ng barko.  

Sa nasabing bilang, pinakamarami ang naitalang stranded passengers sa Port Management Office (PMO) ng Bicol na may 1,207 na mga pasahero, sumunod ang PMO NCR-North na may 711; Marinduque-Quezon (33), at Masbate (20). Agad namang binigyan ng ayuda ng iba’t ibang PMO ng PPA ang mga naapektuhang pasahero.

Namahagi ng food packs ang PMO Masbate at MarQuez sa mga pasahero na nanatili sa mga pantalan na kanilang nasasakupan. Habang PPA lugaw naman ang hinanda ng PMO Bicol at NCR North para sa mga apektadong pasahero na naghihintay ng pagbabalik normal ng biyahe. Ito'y alinsunod sa programa ng PPA na pamamahagi ng libreng lugaw sa lahat ng mga pasaherong stranded tuwing panahon ng tag-ulan.

Nagbigay din ng direktiba si PPA General Manager Jay Santiago para sa lahat ng mga PMO sa buong bansa na tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng mga pasahero na nasa pantalan. Bukod sa PPA Lugaw, pinatitiyak ng lider ng ahensya na mayroong mga charging station, water refilling station, at malinis at maayos na upuan at palikuran sa mga pantalan na nasa ilalim ng pamamahala ng PPA.

“Kasama sa paghahanda ng PPA ang regular na pag-monitor sa PAGASA weather reports lalong-lalo na sa mga buwan sa panahon ng tag-ulan. Sinisiguro natin na year round ay handa ‘yung mga terminal natin sa anumang pangangailangan ng mga kababayan nating pasahero,” ani GM Santiago.  

Paalala ng PPA sa mga pasahero, alamin muna sa mga shipping line ang oras ng kanilang biyahe o kung mayroong suspensyon nito, bago magtungo sa pantalan. Mayroon ring mga hotline ang iba’t bang mga pantalan na makikita sa official Facebook page ng ahensya para sa mga pasahero na mayroong katanungan. Matatagpuan din ang Malasakit Help Desk sa mga pantalan na pinamamahalaan ng PPA, para makapagbigay ng serbisyo sa mga pasaherong sasakay ng barko lalo na sa panahon ng bagyo.

###