World-Class Terminal at Pinakamalaking Passenger Terminal Building sa Pilipinas, Binuksan na sa Publiko

27 MARSO 2023, CALAPAN — Matapos ang matagumpay na inagurasyon ng Port Operations Building (POB) ng Masbate at Coron kamakailan ay binuksan na rin sa publiko ang pinaka malaking Passenger Terminal Building (PTB) sa buong bansa na matatagpuan sa Calapan Port, Oriental Mindoro ngayong araw, ika-27 ng Marso 2023.

Ang mas pinalaki, pinaganda at modernong PTB ng Port of Calapan ay makapagbibigay serbisyo na sa nasa 3,500 na pasahero anumang oras mula sa dating kapasidad ng lumang terminal na nasa 1,600 lamang.

Taglay ng bagong PTB ang prayer room, mas pinagandang breastfeeding area, all gender restroom, high-tech automated doors, escalators at elevators na malaking tulong sa mga pasaherong may partikular na pangangailangan dito. Hindi na rin kailangan pang lumabas ng mga pasahero upang bumili ng anumang makakain dahil may tindahan na rin sa loob ng PTB.

Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, malaking tulong ang bagong gawang pasilidad lalo ngayong papalapit ang Semana Santa kung saan marami ang magsisiuwian sa kanilang probinsiya gamit ang pantalan.

“Tuwing peak season, nasa humigit kumulang 12,000 ang pasaherong gumagamit ng pantalan araw-araw na kung minsan ay nasa labas ng lumang terminal ang mga naghihintay kaya naman inaasahan nating hindi na mangyayari ngayon ‘yan dahil mas malaki na ang kapasidad ng bagong PTB ng Calapan Port,” ani GM Santiago.

Base kay Jessica de Luna, pasahero sa pantalan, “Mukhang mas magiging maayos nga ang sitwasyon namin sa loob ng bagong PTB na ‘yan, hindi na rin kami mababasa tuwing umuulan at hindi na rin sobrang maiinitan kapag matindi ang sikat ng araw.”

Para kay GM Santiago, ang proyekto ng pagpapalawak at pagsasaayos ng PTB sa Calapan Port ay bahagi ng inisyatibo ng PPA upang gawing mas komportable ang biyahe ng mga pasahero at mas mapabuti pa ang serbisyong pampantalan ng ahensiya sa lugar.

“Laging kapakanan ng mga pasahero ang isinasaalang-alang ng PPA sa ating mga proyekto kaya makakaasa ang publiko na hindi kami hihinto sa paggawa ng mga ganitong proyekto upang mas mapaunlad pa ang sektor ng turismo, paggawa at transportasyon sa maraming lugar sa bansa,” dagdag ni GM Santiago.

Panauhing pandangal sa inagurasyon ng PTB sa Calapan Port si Senator Christopher ‘Bong’ Go na siyang kasama ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa inspeksyong isinagawa habang itinatayo ang proyekto noong Nobyembre 2021.

Sa tala ng Port Management Office Mindoro na nakasasakop sa Port of Calapan, tuwing regular na araw ay pumapalo sa 3000 hanggang 4000 ang arawang bilang ng mga pasahero sa pantalan at inaasahang higit itong tataas sa papalapit na Semana Santa kung kaya’t napapanahon ang pagbubukas ng bagong PTB ngayong araw.

###