PPA: WALANG PORT CLOSURE NGAYONG PEAK SEASON

14 DISYEMBRE 2022, MAYNILA — Nililinaw ng Philippine Ports Authority na walang “PORT CLOSURE” sa mga pantalan ng Maynila at Batangas ngayong Pasko at Bagong Taon. Ito ay matapos ang maling anunsyo ng 2GO Travel sa kanilang websites ukol sa di-umanong “port closures”ngayong peak season. 

Ayon kay General Manager Jay Santiago, tuloy ang 24/7 na operasyon sa mga pantalan at walang naiulat na pagsasara ng anumang pantalan ng PPA sa buong bansa. 

“Mali po ang inilabas ng 2GO Travel, walang pantalan na magsasara lalo’t ngayong pinaka-kailangan tayo ng mga taong uuwi sa kani-kanilang probinsya. Makakaasa po ang ating mga kababayan sa serbisyo ng PPA ngayong peak season, tuloy-tuloy po ang operasyon sa pantalan” ani Santiago.

Sa ngayon nakadeploy na rin ang PPA port police sa mga pantalan at nakahanda na rin ang mga empleyadong naka-duty sa PPA Malasakit Help Desk para maasikaso ang mga uuwi ngayong kapaskuhan. Matatandaang nitong nakaraang linggo naglabas ng memorandum si GM Santiago ukol sa “No Leave Policy” para sa 24/7 na operasyon ng PPA ngayong pasko at bagong taon.

###