PPA-LUGAW SA MGA STRANDED NA PASAHERO SA PANTALAN

29 MAYO 2023, MAYNILA — Namigay ang Port Management Office (PMO) NCR-North ng lugaw sa humigit kumulang pitompu't apat (74) na pasaherong stranded sa North Port Passenger Terminal Building (PTB) dahil sa kanseladong biyahe ng mga ilang barko na dulot ng mga isyung teknikal at masamang panahon.

Ito'y alinsunod sa programa ng Philippine Ports Authority (PPA) na pamamahagi ng libreng lugaw sa lahat ng mga pasaherong stranded ngayong panahon ng tag-ulan.

Nitong umaga pa lamang ng ika-29 ng Mayo 2023, naglabas ng anunsiyo ang Philippine Coast Guard (PCG) ng sunod-sunod na kanseladong biyahe ng mga ilang barko gaya ng MV Gloria-3 mula Hilongos, Leyte papuntang Cebu City. Kasabay nito ang pag aanunsiyo ng pansamantalan biyahe ng MV Kan Ugong mula Sibunog Port papuntang Pulupandan Port. Maging ang biyahe ng MBCA Leopards Sea Runner mula Ubay, Bohol papuntang Hilongos, Leyte dahil sa malalakas na alon sa karagatan.

Kanselado rin ang mga ilang biyahe ng barko sa Dumaguete Port papuntang Dapitan Port habang tuluyan na ring kinansela ng Montenegro Shipping Lines, Bunso Transport, at Atienza Interisland Ferries Inc. ang kani-kanilang mga biyahe papuntang Palawan at Mindoro.

Isa ring itinuturong dahilan ng mga pasahero sa kanilang pagiging stranded ay ang kawalan ng barkong masasakyan at problemang teknikal ng barkong sasakyan.

Ikinatuwa naman ng mga ilang pasahero sa North Port Passenger Terminal Building ang pamamahagi sa kanila ng lugaw sa bilang pantawid gutom habang naghihintay ng barko.

"Mabuti nga 'yan at may pagkain na kami. Kasi wala na kaming pera. Hindi pa namin alam kung kailan kami makakasakay. Ang sabi sa amin, bukas pa raw ng ala una, darating daw yung barko. So, bukas pa kami makaka sakay. Tapos baka humiga nalang kami sa karton dito. Tiis tiis nalang muna." Ani Elsa, isang pasahero papuntang Butuan.

Sa kabila ng mga pasaherong hindi ikinatuwa ang kaliwa't kanang kanseladong biyahe ng mga barko, mayroon namang mga charging station, water refilling station at maayos na palikuran ang PPA para sa mga pasahero.

Sa ngayon, patuloy ang pamimigay ng PMO NCR-North kasama ang iba pang PMO sa buong bansa ng libreng lugaw sa mga pasahero habang naghihintay na manumbalik ang biyahe ng mga barko.

"Ito po ay maliit na tulong sa mga stranded na pasahero, kumpara sa laki ng abala na kanilang dinadanas ngayon bunsod ng kanseladong biyahe. Tayo po sa PPA, hangga't maaari ay inaabisuhan natin sila kung mayroon mang kanselado o suspensyon ng kanilang biyahe. Pero may mga hindi po talagang maiiwasan na last minute na cancellation mula sa mga shipping lines, nanawagan po tayo sa kanila na bigyan ng assistance ang mga pasahero na naiiwan sa pantalan, at ito po 'yung sinusubukan nating gawan ng paraan sa pamamagitan po ng pagbibigay sa kanila ng makakain nila gaya po ngayong gabi." ayon kay PPA General Manager Jay Santiago.

###